Sa Sabado, sisigaw ako.

 

Sa Sabado,

sisigaw ako.

Isisigaw ko

Ang pangalan mo

Ang kinahinatnan ko

Ang takot ko

Ang lungkot ko

Isisigaw ko

Ang ginawa mo

Ang pagod ko

Ang sakit ko

Ang hinanakit ko

Isisigaw ko

Ang paglimot mo

Ang pag-alala ko

Ang pag-alis mo

Ang paghihintay ko

Isisigaw ko

Lahat ng masakit

Lahat ng ‘di ko nabanggit

Lahat ng mabigat

Lahat ng ‘di pa rin sapat

Isisigaw ko

Ang nauubos na pasensya ko

Ang namumuong kirot sa dibdib ko

Ang hirap sa pag-intindi sa mundo

Ang pangamba na idinudulot mo

Isisigaw ko

Kung paanong nauubos ako

Sa tuwing bibiguin mo ako

Sa tuwing nabibigo ko rin ang sarili ko

At nakakalimutan ko na kung paano manalo

Sa Sabado,

sisigaw ako.

Para sa Linggo,

ayos na ulit ako.

 

Advertisements