Mission Accomplished, UP Banahaw!

_MG_9399 (1)
(c) Mark Anthony Manalo

“What is required by your schedule may get done but what is driven by your passion will be completed.”

Medical and Dental Mission ng UP Banahaw sa General Nakar, Quezon. Ilang buwan din namin itong pinag-isipan, pinagplanuhan at pinagdiskusyunan. Namroblema sa pera, sa sasakyan, sa manpower, sa partners, sa coordination. Napuyat sa pagsosort ng gamot at sa pag-iisip kung paano nga ba ito matutuloy. At syempre pa nariyan ang stress sa acads na pinagsusumikapan mo naman pero minsan wala, sablay lang talaga. Kumbaga, nagpatung-patong na.

Hanggang sa dumating ang November 6, ang araw bago ang mission sa Nakar. Halos wala pang matinong tulog. Naghabol ng mga kailangan pang bilhin na gamot. Namroblema sa tokens na hindi nakuha. At kung anu-ano pang mga isipin. Pero masaya ang aking mga orgmates. Energetic as always. At si Brod (Jaseey), ang activity head namin, ay alam kong super stressed na rin. Pero nakikita ko siya na nagpapatawa pa rin at hindi nagpapatalo sa pressure. Kaya nagtatago ako sa kanya kapag sobra na akong frustrated at pressured.

Mga 2 hours before kami umalis, hindi ko kinaya, iniwan ko muna ang masayang kwentuhan kasama sila habang nag-iintay ng oras ng pag-alis. Kinausap ko si Kathkath sa kwarto. Sa kanya ko sinabi lahat ng takot na nararamdaman ko. Lahat ng pressure at kung anu-ano pang nararamdaman ko habang papalapit na nang papalapit ang mission. May kulang pa ba? May nakalimutan bang planuhin? Marami kayang pumunta? Maaccommodate kaya lahat ng pupunta? Makapagluto kaya nang ayos? Magkasya kaya budget namin? Maging masaya kaya? Maging safe kaya kami? Babagyo kaya? Anong gagawin ko kapag may nangyaring mahirap masolusyunan? Kaya ko ba ‘to? Kaya ko ba silang iligtas kung anuman ang mangyari? Kaya ko bang magpakita na matatag ako hanggang dulo? Kaya ko ba sila? Mababait kaya ang mga tao doon? Anong gagawin ko? Magiging okay ba ang lahat? Pero sabi ni Kathkath, “Wag ka na mastress…Magiging okay din ang lahat… Madami ka nang sinacrifice at alam naming ginawa mo ang lahat ng makakaya mo para sa event na ‘to. Wag mong kakalimutan na andyan naman sila para tulungan ka. Kung anumang mangyari mamaya… Enjoy mo na lang.” Ang sarap pakinggan. Kasi alam mo ‘yun… Yung alam mo naman ‘yon pero  feeling mo kailangan mo rin lang talaga ng magsasabi ng mga salitang ‘yon sa’yo para maniwala ka… Yung feeling na alam mo na kahit magkanda-leche-leche ang lahat, hindi ka nila sisisihin. Tapos, mas lalo pa gumaan ang pakiramdam ko nung ipag-pray ako ni Batch Pam. Naiyak na lang ako sa sobrang touching ng prayer niya.

At dumating na nga ang oras ng pag-alis namin. Kahit nakailang meeting at briefing na kami, pakiramdam ko napaka-uncertain parin ng mga mangyayari. Pero yun. Naniniwala naman ako sa mga orgmates ko. Na magsasaluhan kami. At syempre naniniwala ako na hindi kami pababayaan ni God dahil inaalay naman namin ito sa Kanya at sa bayan.

Yun na. Mission proper na. Nameet na ang mga dapat imeet. Tapos nagsimula na ang lahat. Nagkaroon pa ng problema dahil may kulang na gamot sa dental, kaya hindi yun makapag-umpisa. Mabuti na lang nakabili sina Jaseey sa Infanta. Yung sa inventory na ginawa ko, mali na brand yung entry, dapat generic name. Medyo nahirapan tuloy sa pharmacy. Tapos umulan. Tapos umaraw. Tapos umulan ulit. Tapos uminit nang sobra. At umulan ulit. Mabuti na lang, nagka-bahaghari. At kitang-kita namin kung paano humalik sa ilog ang isang dulo ng bahaghari. Kahit alam mo naman ang scientific explanation ng rainbows, that moment still felt magical.

Long story short, ang mission na ito ay… mahirap. Sobrang hiraaaap. Matrabaho, magastos, nakakapagod, lahat na. Pero masaya. Masayang makita ang bawat ngiti. Masayang marinig ang bawat “salamat” na manggaling sa kanilang mga bibig. Masayang makipagkwentuhan sa mga bata at sagutin ang kanilang mga bugtong. Masayang pakalmahin ang mga batang binubunutan ng ngipin. Masayang kalungin ang isang batang nagpapabunot ng ngipin at samahan siya sa kanyang karanasan ng pagpapabunot.

(c) Mark Anthony Manalo
(c) Mark Anthony Manalo

Masayang makitang unti-unting nagppay-off lahat ng puyat, stress, anxiety, frustrations, darkER eye circles, pimples, at lahat ng struggles na kinaharap sa proseso. Masayang marinig na nagpapasalamat sila na sila ang napili naming beneficiary dahil kailangang kailangan daw nila ang mga gamot. Masayang masilayan ang simpleng pamumuhay malayo sa kung anu-anong bumabagabag sa’yo. Masayang makita ang linis ng ilog at bundok. Masayang maligo at maglaro sa batis nang gabi kasama ang mga kaibigan mo at ang mga bago mong naging kaibigan. Masayang makipagkwentuhan kina Nanay at Tita bago matulog. Masayang mabigyan ni Nanay ng kumot na panlatag nang makita ka niyang walang hinihig-an. Masayang magising bigla dahil hinampas ka ng brod mo dahil may lamok palang kumakagat sa’yo (Thanks Kuya Dave!!!). Masayang magising nang may nararamdamang lamig ng simoy na hangin sa umaga na nagpapahiwatig na nagdaan na ang kahapon at simula na ulit ng bagong araw. Masayang magkape kasama ang iyong mga kaibigan sa labas ng bahay. Masayang makaisip gumawa ng short indie film dahil sa set-up ng almusal namin (Watch UP Banahaw Lingap Kalokohan: Ang mga Bato sa Katipunan XD). Masayang magpakalango sa halakhakan. Masayang kumuha ng maraming maraming larawan. Masayang umalis na alam mong may mga buhay kang nabago kahit papaano. Masayang bumiyahe pabalik nang kumpleto kayo at ligtas sa mga kamay ni number 18 Kuya Tiger. Masayang maglakbay sa saliw ng musika ni Ogie Alcasid (ft Kuya Mark’s playlist XD). Masayang makabalik sa tunay mong mundo na may baon kang bagong karanasan, pag-asa, lakas at sigla para harapin muli ang kasalukuyan. Masayang mapagtanto na mahal na mahal mo ang pamilyang ito. Masayang malaman na ang mga taong pinapahalagahan mo ay may pagpapahalaga rin naman sa’yo. Masayang tumawag sa Mama mo at sabihing “Ma, nakabalik na po kami. Nakakapagod pero sobrang saya, Ma” at marinig ang kanyang sagot na “Oo syempre, ganyan talaga kapag nagmedical mission, masaya kahit nakakapagod. O mamahinga ka na muna.” Masayang humiga at pumikit nang nakangiti dahil alam mong may napagtagumapayan kayo nang sama-sama dahil hindi kayo sumuko. Masayang makita na worth-it lahat ng sacrifice ni Brod at fulfilled siya dahil nagtagumpay ang activity na pinamunuan niya. Masayang sambitin na “Thank You, Father God. We did it!” Masayang magkaroon ng mga ‘di malilimutang alaala kasama sila. Masayang maalala kung ano ang mga tunay mong pinapahalagahan sa buhay. Masayang masabihan ng panganay mong kapatid na “i’m so proud of what you’ve become”. Masayang magsulat ng ganitong adventure story kahit 4AM na at second paragraph palang ako ng Chapter 1 ng thesis ko. Masayang malaman na kahit ganito lang ako, madalas sablay sa maraming bagay, may mga bagay pa rin akong napapagtagumpayan kahit papaano. Masayang maramdaman na kahit marami kang problema, kapalpakan, bubog sa buhay, at kung anu-ano pa, pakiramdam mo na this time, kahit papaano, may nagawa kang tama. Masaya. Masayang masaya.

Life may be really difficult at times to the point that it will suck. But it gets beautiful. And yes, it will suck again. But then again, it gets more and more beautiful and awesome. Yeah. It’s true. The best is yet to come. Just keep holding on to what your heart desires most. ❤

(c) Mark Anthony Manalo
(c) Mark Anthony Manalo

7 thoughts on “Mission Accomplished, UP Banahaw!

      1. Hahaha! Why me? Naging successful ‘to dahil sa lahat ng efforts nyo. I’m just an alumna, watching. Hahaha. 🙂

  1. Ngayon ko lang ito nabasa batch! I was brought back to this wonderful memory na I got to contribute in helping the community in simple ways before (kahit di ako naging active masyado sa org). Ang sayang magsilbi. I am looking forward to next medical mission. #ParaSaBayan ✊

    1. Batch! Maraming salamat! Napadpad ulit ako rito at binasa ko rin ulit ito. Idk but I was reminded of a lot of things pagkabasa ko. Lalo na about passion and what we do with what our heart desires most. Hay. At jusko sobrang nakakamiss! Grabe feeling ko talagang UPB changed my life in so many ways. Hahaha And I miss doing these things with you, batch. Soon sana magkita ulit tayo as we try to serve the people. ❤

Leave a reply to lovesavesmyday Cancel reply