Dalawang Taon Mong Pagkakahimlay

sapat na, Kaibigan
ang minsan tayo’y naglakbay
magkasabay
magka-akbay
habang sabay nating pinupuno
ng kulay ang buhay

paglisan man ay may katumbas na sakit
paglaho man ay may kaakibat na pait
hindi ko pa rin ipagpapalit
o pagsisisihan kahit saglit
ang araw na ika’y nakilala
nakakwentuhan at nakatawanan
dahil tulad ng isang awit,
ikaw ay palagi nang nakaukit
sa alaala ng puso kong
bagama’t may lamat
ay pinipili pa ring tumibok
tumibok hanggang sa mapagod
ngunit ‘di iindahin ang pagod na ito
dahil sapat na, Kaibigan
ang mga nilalang na tulad mo
para madama kong
ang buhay na ibinahagi ko sa iba
ay s’yang magbibigay saya
na s’yang babaunin ko naman
sa takdang oras na
papayagan na ako ng langit
na makasalubong ka at mayakap ulit

alam kong sabik na sabik
na tayo sa kwento ng isa’t isa
pero ‘wag kang mag-alala
dahil sapat na, Kaibigan
na alam kong
sa aking pagtingala
sa bughaw na langit man
o sa karagatan ng mga tala
ay siya mo namang pagyuko sa akin
at pagngiting bigla

oo, Kaibigan
sa akin, ngayon,
iyon ay sapat na.

________
4:52 ng hapon
Set. 27, 2015
Sa harap ng iyong puntod

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s